Tuesday, October 27, 2015

Usapang Halaman

Wala itong kinalaman sa pagkakaroon ng “green thumb” kung saan ang sabe nila ay magaling kang mag-alaga ng mga halaman kapag mayroon ka nito. Nagsimula ang “Usapang Halaman” sa loob ng isang maliit na kotse, habang nasa malayong byahe. Kasama ang tatlong lalake at nag iisang babae na ang tingin sa amin ay “Halaman”. Halaman na walang pakiramdam, na hindi nasasaktan.

Umikot ang usapan sa isyu na ang mga lalake ay madaling maka-move on galing sa isang pagkabigo sa pag-ibig. Na hindi kami nakakaramdam ng sakit. Na hindi kami nakakaramdam ng pangungulila. Na hindi kami nabibigo. Syempre alam na natin, kung sino ang dehado sa usapan ng  tatlong lalake at nag iisang babae tunkol sa pag-ibig.

Madami ang mga napag usapan. Ngunit ang mga sumusunod ay ilan sa tingin ko ang makabuluhang mapupulot mula sa palitan ng kuro-kuro at pagsasalaysay ng mga pinagdaanan:

Una, madalas kapag sinabi namin na okay kami, sa pamamagitan ng pagpapakita sa marami na kami ay masaya, or pagpo-post sa mga social network sites na katulad ng Facebook ng “Feeling Awesome”, iyon po ay kabaliktaran. Ayon na din sa idinidikta ng lipunan, kailangan ang mga kalalakihan ay matatag at hindi matitinag.

Kami din ay nakakaramdam ng  pangungulila. Kami din ay naghahanap ng kalinga ng minahal o di kaya ng minamahal. May mga pagkakataon na magta-type kami ng mensahe sa text or sa private message na nagsasaad ng aming paghahangad ngunit iyon din ay aming agad na buburahin at hindi ipadadala sapagkat iniisip namin na kailangan nila ng oras na mapag-isa at na mas makakatulong kami sa pamamagitan ng hindi pagpaparamdam.


At ang higit na pinaka importante sa lahat, para sa mga kababaihan, hindi po kami halaman. Lingid sa talamak na kaalaman ng maraming kababaihan, kami din po ay nasasaktan. Hindi alam ng madami na mas nasasaktan pa kami kesa sa mga babae. Iba nga lang ang paraan ng pagdadala ng sitwasyon pero, oo, nasasaktan din kami.

Ang nararamdaman ng isang lalake pag dating sa pag-ibig ay walang iniba sa nararamdaman ng mga babae. Maaring iba iba ang paraan ng pagtanggap, pag dala ng sitwasyon o di kaya ang pagpapakita ng emosyon ngunit walang edad, lahi o kasarian pagdating sa pagmamahal. Di tulad ng mga halaman, kaya din naming ibalik sa aming minamahal ang kapantay o di kaya minsan ay higit pang pag-aalay ng pagmamahal na maari naming matanggap kanino man. 

No comments:

Post a Comment